1.
Salita'y nagkukulang
Isipa'y nabubuang
Lenggwahe'y kakaiba
Sa galing Amerika
2.
Kung ika'y 'di atleta
Saan ka na pupunta?
Ah, sa papel at pluma
Doo'y may pagasa ka.
3.
Pu*ang ina ang tawag
sa munting naduduwag.
Kawawa kung husgahan
"Ngiyaw" lang ang panlaban.
4.
Aba, ginoong Mario!
Hininto ang trapiko.
Tsuper sinita. Kaya
bulsa'y puno nang grasya.
5.
Pangungulila'y lubos
Luha'y 'di na naagos
Sa lungkot na nasanay
O, kay dilim sa hukay!
6.
Puso'y naghahagilap
ng katambal sa sarap.
Isip ay naghahanap
ng kapares sa hirap.
7.
Buhat ng kapaguran
doon sa kalaliman,
babangon din siyang muli.
sa lupa siya babawi!
-
Ipinakilala sa amin ang tula sa klase. Malimit magbasa ng tula ang aming propesor sa Filipino bilang unang gawain sa klase. Nagugustuhan ko ang mga tulang kaniyang binabasa. Aking naisipang subukang gumawa ng sarili kong mga tula.
Dati naman akong nagsusulat ng mga tula, ngunit sa wikang Inggles ko isinusulat ang mga ito. Ito ang aking unang pagkakataon na gumawa ng tula na tinatawag na tanaga. Ang mga tanaga sa itaas ay hindi magkarugtong. Ang paksa ng mga ito ay mga naramdaman ko nitong linggo. Ipagpaumanhin kung hindi matipuhan sapagkat ako'y baguhan sa tanaga at pagtula sa Filipino.
Sa uulitin!
Marami pang typo rito at maling baybay & gramatika. Bibigyan kita ng pagkakataong isaayos ito't rebisahin sang-ayon sa ating "Checklist" sa http://nobelangatisan.blogspot.com/2012/06/checklist-bago-ipasa-ang-blog-entry.html. Tiyaking binasa't pinag-aralan nang mabuti ang "Checklist" at nasunod iyon sa iyong rebisyon bago ito muling ipasa sa akin. Huwag sayangin ang pagkakataon. Salamat!
ReplyDeleteSayang at hindi ito naayos nang mabuti, Aaron. Halimbawa'y tinipil ang lengguwahe, kaya dapat ay lengg'wahe; may gitling dapat ang pag-asa; mali rin ang gamit ng nang/ng sa huling taludtod ng ikaapat na tula; at iba pa. Huwag ding kalilimutan, kahit sa tula, ang wastong paggamit ng mga bantas. Umaasa akong magiging mas maingat at mapaglimi pa sa susunod. Salamat!
ReplyDeleteSalamat po muli sa inyong mga puna sir. Pagbubutihan ko po sa susunod. :)
ReplyDelete