Thursday, July 26, 2012

Ang Pamagat

"Ano nga ba ulit ang pamagat ng gawa mo iho?",

tanong ng aking guro. Nagustuhan niya ang aking tula - gaya ng pagkagusto niya sa mga maiikling kuwento na gawa ko. A, ang nakuha kong marka sa ginawa kong tula. May kasama na ang B+ kong papel sa English na isang maling bantas lang ang nagpababa ng marka. Lumabas na ang aming guro sa Filipino matapos ipamigay ang aming mga ginawang tula na magsisilbing mahabang pagsusulit namin.

Siyensya na ang susunod naming aralin. Nang matapos naming batiin ang guro at manalangin, ipinamigay na rin ng guro ang aming long test na namarkahan na. C+, ang markang nakuha ko. Maganda na iyon, ang sabi ko sa sarili ko. Mas mabuti na iyon kaysa sa mga nakukuha kong marka dati. Umakyat na rin sa C ang marka ng long test ko sa mathematics. Matutuwa na siguro rito ang Papa.

"Wala akong pakialam kung ano pa ang pamagat niyan!",

ang galit na wika ng Papa nang tanungin ko kung ano ang angkop na pamagat para sa tula ko. Nagalit siya nang malaman na mas mataas pa ang mga markang nakukuha ko sa mga pagsusulit sa Filipino at Ingles kaysa sa Siyensya at Mathematika. Wala raw akong mararating kung pagtutuunan ko ng pansin ang sining. Barya lang daw ang kikitain ko roon.

"Kakalimutan ko na lang ang pamagat",

ang sabi ko sa sarili ko habang pinupulot ang mga pagsusulit ko na inihagis ni Papa noong papalabas siya ng kanyang aralan. Bahala raw ako sa buhay ko. Ang gusto niya kasi ay tularan ko siya at ang mga nasa likod ng kanyang lamesa. Naroon ang eskaparateng puno ng mga larawan at plake ng pagkilala sa mga miyembro ng aming pamilya na kung hindi doktor ay tagapamahala ng aming mga ospital.

Nang mapulot ko ang mga pagsusulit, bumalik na lang ako sa aking silid. Naghilamos bago nagbihis ng pambahay. Nahiga ako sa aking kama, pumikit, at inalala ang mga papuring natatanggap ko mula sa aking mga guro at mga kamag-aral tuwing nababasa nila ang mga gawa ko. Sana mapuri rin ako ng Papa ng ganoon balang araw. 'Di bale na. Binuksan ko ang aking aklat sa Siyensya at nilunod ang aking sarili sa pag-aaral.

"Ang ganda,'Tay! Ano po ang pamagat nito?",

ang inosenteng tanong ng aking panganay nang napulot niya mula sa isang lumang kahon ang bayuot na papel na madilaw na - malayong malayo sa dating puti nito. Kagagaling ko lamang sa trabaho nang magpasama siya sa bodega upang hanapin ang mga gamit niya para sa proyekto niya sa paaralan. Ipinunas ko ang aking mga kamay sa aking lab coat upang matanggal ang alikabok bago ko kinuha ang papel mula sa kanya. Binasa ko ito. Umiling ako at sinabing, "Ay ewan ko ba. Nalimutan ko na ang pamagat."

2 comments:

  1. Maganda ito, may pagtitimpi bagaman tigib ng damdamin, at mainam na nagkaroon ng tuon na paglulunsaran ng sentimyento––ang pamagat nga. Nagustuhan ko rin ang paglalaro sa diyalogo. Kaya naman, kahit may mga mali sa baybay (hal., "Inggles") ay binibigyan kita ng isang markang pagtaas para rito. Pagbati!

    ReplyDelete