Ako si Roberto Gervacio pero introBerto ang itawag mo sa akin. Ayon kasi sa isang pagsusulit sa pag-iisip sa paaralan introvert daw ako. Mula noon introBerto na ang tawag ko sa sarili ko. Kakaiba kasi para sa akin ang dating, parang pang superhero. Kung hindi mo alam kung ano ang isang introvert, susubukan kong ihayag sa iyo kung ano ako, pero kung hindi pa rin malinaw sa iyo, i-Google mo na.
Ako si introBerto.
Estudyante ako sa isang kilalang pamantasan dito sa Pilipinas ngunit hindi ko sasabihin kung saan dahil introvert nga ako. Ayokong isiping tinitingnan ako ng mga tao. Dahil dito, hindi ko nagagawa lahat ng gusto ko dahil ayokong pag-isipan ako ng di maganda ng ibang tao. Kung maaari lamang sana akong maglaho ng kahit saglit at gawin ang mga gusto ko.
Nahihirapan din ako.
Mahirap sa pamantasang ito. Hindi madaling makakuha ng magagandang marka sa mga gawain. Halos lahat ng aralin ay akala yata ay major ko sila. Ayos lang sana kung isa o dalawang gawain lamang sa isang linggo, pero hindi. Sa halip, sa isang linggo mayroong mga mahabang pagsusulit, analysis paper, lab report, at pagkahahabang babasahin.
*Ding* *Ding* *Ding*
Kumakampana na sa simbahan, hudyat ng pagsapit ng alas dose. Alas dose na at hindi pa rin ako tapos sa mga kailangan kong gawin. Puyat na naman ako nito panigurado. 7:30 pa naman ang una kong klase bukas. Masuwerte na ako kung makakalimang oras pa ako ng tulog.
"Tototot! Juan o, juan. Point 9. Kailangan pa bang tandaan iyan?"
Muli na naman akong ginising ng alarm clock ko na radio. Medyo madilim pa. Ayaw pang lumabas ng araw sa likod ng mga ulap na tinataguan nito. Introvert din kaya ito kaya't nagdadalawang isip pa sa paglabas? Kalokohan ko na naman. Setyembre na nga pala, mas humahaba na ang mga gabi at dahil malapit nang matapos ang semestre, mas iiksi na naman ang mga tulog ko. Tinitigan ko muna ang kisame. Araw-araw itong nagbabantay sa akin. Saksi sa aking kaligayahan, kalungkutan, pagdurusa, pagpupuyat at kung minsan, kapilyuhan. Sino na lang ba ang magbabantay sa akin ngayong malayo ako sa mga magulang ko na nasa probinsya? Naaawa na kaya sa'kin itong kisame?
Ako? Naaawa na ako.
Bumangon ako matapos ng ilang minuto. Nagdalawang isip muna ako bago buksan ang pinto patungo sa koridor ng dormitoryo baka kasi kung sino na naman ang makasalubong ko. Kilala ko na rin ang mga mukha ng mga kapitbahay ko, ngunit ilang semestre na ang nagdaan, hindi ko pa rin sila nakakausap kahit saglit lamang. Introvert kasi. Naalala kong maaga pa at wala pa masyadong tao sa koridor kaya't hindi ko kailangang biglang pagmunihan ang sahig kapag may bigla akong nakasalubong. Lumabas ako at nagtungo sa paliguan.
Nothing burns like the cold. - George R.R. Martin
Masarap ipaligo ang mainit-init na tubig sa katawang nabalutan ng lamig noong gabi bago ito mapaliguan. Nagsabon ako. Nag-shampoo. Naghilamos. Nagbabanlaw na ako nang may bilang anak ng tupang naligo sa kabilang paliguan. Naabala tuloy ang linya ng mainit na tubig na kanina'y akin lamang. Nanaig tuloy ang malamig na tubig. Nanaig ang malamig na tubig. Malamig. Malamig. Malamig naman talaga lagi ang mga gabi ko. Introvert kasi.
Masarap habang mainit.
Matapos maligo agad din akong nagbihis. Bumalik ako sa kuwarto, kinuha ko ang aking mga gamit at saka bumiyahe patungo sa pamantasan. Maaga pa naman. Doon na lamang ako mag-aagahan. Nang may nabili na akong pagkain, naghanap ako ng mauupan. Hindi naman naging problema iyon dahil medyo maaga pa nga. Naupo ako sa mesang walang kumakain liban sa akin. Laging ganito ang pagkain ko, mag-isa sa agahan, tanghalian at pati na rin sa hapunan.
"You go first." "No, you go first."
Nang kumakain ako, may umupo sa kabilang bahagi ng mahabang mesang kinakainan ko. Ganito naman talaga ang siste sa kapiterya. Namukhaan ko yung umupo. Sa iisang dormitoryo lang kami nakatira, sa ibang palapag lamang ata siya, ngunit pamilyar siya akin. Iniisip ko kung mapapansin niya ba ako o ako ang kailangang unang pumansin sa kanya. Pero kahit na itanong ko pa iyon sa sarili ko, alam ko na ang sagot. Ang lagi kong gusto ay ang iba ang mauna. Hindi ako sanay na nauuna bumati o makipagusap kaya nga ata kakaunti ang kaibigan ko.
Just because you don't understand it doesn't mean it isn't so. - Lemony Snicket
Wala na naman akong maintindihan sa sinasabi ng propesor ko. Ganito ang takbo ng aking isipan kapag pumapasok ako na kulang na kulang sa tulog. Matapos ba naman akong magpuyat upang gawin ang limang pahinang sanaysay tungkol sa bagay na wala naman akong pakialam e talagang lutang ang isip ko. Masuwerte na kung may pumasok sa isip ko tungkol sa leksyon namin.
Forgive me, for I have sinned.
"Robert," nagising ako sa katinuan matapos akong tawagin bigla ng propesor ko, "what can you say about the color of the curtains in this scene in relation to the over-all mood of the novel?" Hindi ata napansing tulog ako. Anak ng tokwa, may kabuluhan yung kulay ng kurtina? Aba malay ko, hindi ko naman major ito. Bahala na nga. "Ma'am, the color of the curtains are supportive of the message of the novel." "Exactly! Good, Robert." Nalusutan ko na naman siya. "Good morning, Roberto!", ang sumalubong sa'kin matapos ang di ko namalayang pagtulog. "I bet you would like to join us in our discussion or would you rather watch us with your eyes closed?" Napahiya ako. Nahuli ang di ko sinasadyang pagtulog sa klase. Nakatingin sa akin ang buong klase. Saan pa nga ba sila titingin kung hindi sa akin na laging tulog?
Who do people say I am? - Mark 8:27
Mahiyain.
Tahimik.
Antukin.
Masungit.
Iyon ang sabi nila.
Iyon ang sabi nila.
Ako si Roberto Gervacio.
Oo, mahiyain ako.
Hindi kasi ako sanay na makisalamuha sa iba. Hindi ako sanay mauna.
Oo, tahimik ako.
Pero sa paligid ng mga kaibigan ko, ibang-iba ako.
Oo, antukin ako.
Napupuyat kasi ako sa kagagawa ng para sa klase mo. Huwag sanang sasama ang loob mo kung maipikit ko ng saglit ang mga mata ko. Hindi lang kasi klase mo ang pinapasukan at pinaghihirapan ko.
Oo, baka masabi mo ngang masungit ako.
Hindi ko kasi hilig batiin ang mga minsan kong nakasalamuha at higit na ising bes na rin akong di napansin nang minsan ako bumati. Sana'y pansinin mo ako sa bihirang pagkakataon na batiin kita.
Iyon ang sabi nila.
Iyon ang sabi nila.
Who do you say that I am? - Mark 8:29
Gustong-gusto ko ang nilalaman nito at kung paano kinakatha ang identidad at pag-iisip kasabay ng mga tekstong binabasa. Kaya kahit may typo error sa ilang bahagi, binibigyan pa rin kita ng isang markang pagtaas para rito. Pagbati!
ReplyDeleteOpo, iwawasto ko po. Salamat po ginoong Samar!
ReplyDelete