-
Dahil sa pagnanais na magkaroon ng dagdag na puntos para sa mahabang pagsusulit sa Fil11, kasalukuyan akong lumilikom ng mga parte ng isang nobela dahil pagsasamasamahin namin ang mga ito bago ipasa sa aming propesor. Ilang araw din akong napadpad sa Filipiniana Collection ng Rizal Library. Dahil sa paghahanap nga ng nobela na ipapasa, ilang magasin ang aking binuksan. Ilan na rito ay ang Liwayway, Filipino Magazine, Mr. & Mrs. atbp. Ngunit, sadyang wala akong makita na wala pa sa listahan. Sa listahan na akala ko ay listahan ng mga pagpipilian ng mga gagawin. Mali pala. Listahan pala ang mga ito ng di na puwedeng gawin. Nasayang tuloy ang pagod ko sa paghahalungkat ng isang nobela, ngunit di bale. Ako naman ang may kasalanan.
Maihahalintulad dito ang reaksiyon ko nang malaman ko na hindi na pala puwede yung nobelang nahanap ko. |
Ang larawan sa itaas ay malaki ang hawig sa mga microfilm reader ng Rizal Library. |
Larawan ng aking pagkamangha nang una akong gumamit ng microfilm reader. |
Dahil dito rin sa microfilm reader kaya ako naliyo matapos maghanap ng nobela. Maaari ka, yung bawat pahina ng isang serye ng publikasyon e dumaraan sa mga mata mo ng mabilis dahil kung dadahan-dahanin ay marahil abutin ka ng siyam-siyam. Matapos maghanap sa humigit kumulang na apat na rolyo ng microfilm, e nakahanap na rin ako ng maaaring ipasa sa aking propesor.
Sa aking pagbuklat ng mga publikasyon mula sa Filipiniana at pagtingin ng mga microfilm sa Microform section, hindi lamang nobela (o mga nobela) ang aking nahanap. Sa bawat tomo ng publikasyong aking binubuksan, nakita ko ang unti-unting pagbabago sa paraan ng paglathala ng mga ito. Halimbawa'y sa Liwayway magasin, iyong mga luma-luma magkakasunod ang paglathala ng mga nobela. Halimbawa, ang labas ng isang kabanata ng nobela ay sa pahina 20-25. Noon namang bandang 2000's, tumatalon ang mga pahina nito. Parang pahina 29-30, pagkatapos ay isusunod sa pahina 17 ang nobela. Pati rin pala mga talaan ng nilalaman nila ay nagbabago rin. May mga panahong inilalagay kung pang-ilang labas na ng isang nobela (Hal. "Sixty in the City (12)") ngunit mayroon din namang walang ganoong tanda kaya't malilito ka talaga sa kahahanap.
Kung papansinin ang mga advertisement sa mga medyo lumang magasin, marami rito ay mula sa mga kumpanyang mula pa sa Kanluran. Hindi pa ata uso ang Bench at Penshoppe noon. Marami rin sa mga kumpanyang naroon ay hindi na madalas nakikita ngayon sa merkado. Bukod sa mga nilalaman ng ads, ang lengguwahe na malimit na gamitin sa mga ito ay Ingles. Siguro dahil kakatapos lang ng panahon ng mga Amerikano nang ilathala ang mga nabasa kong magasin.
Nang muli kong balikan ang ipapasa sa butihing ginoo, inilista ko ang mga pahina na aking ipakokopya. Ibinigay ko ang rolyo ng microfilm sa tauhan doon at naupo. Nakita kong mayroon pa lang mga lumang kopya ng Philippine Daily Inquirer doon. Dala ng kuryusidad, hinanap ko ang rolyo na mayroong lathala ng nasabing diyaryo nung araw ng aking kapanganakan. Nahanap ko ito at iniligay sa reader. Matapos ang mahabahabang pagpapaikot (nga pala, mano-mano ang reader kaya't kailangang paikutin ng paikutin ang isang hawakan para mailipat ang mga pahina), nahanap ko rin ang lathala nung araw ng aking kapanganakan. Napangiti ako dahil kahit papaano'y nagka-ideya ako sa panahon kung kailan ako ipinanganak.
Habang tinitingan ko ang diyaryo na inilabas nung araw na ako'y inilibas din. |
Sa Business Section naman, hindi ko akalaing ang palitan ng piso sa dolyar noon ay dalawapu't anim na piso at di ako sigurado kung ilang sentimo sa isang dolyar, o P26.xx :$1. Malayo ito sa P4x.xx:$1 ngayon.
Nang aking tingnan muli ang mga ads, nakita ko ang malaking ad ng Makro. Nung opening pala nung sangay nila sa Imus, Cavite (kung saan ilang ulit na akong nakapunta), aba'y Prime Minister pala ng The Netherlands ang naggupit ng ribbon! Kaya lang mukhang hindi na babalik si Prime Minister sa Makro (yun e kung bukas pa nga ito), natalbugan na ata ng SM ang Makro.
Sa paglipat ko naman sa Lifestyle section, ganito ang aking reaksiyon:
Nasundan naman iyon ng ganitong reaksiyon:
Hinding hindi mo makikita ang mga ganoong lathala ngayon sa telebisyon o diyaryo. (Maliban na lamang siguro kung sa tabloid at kung may artistang nagkaroon ng wardrobe malfunction.) Ang mga larawan ay mga larawang galing sa isang fashion show. Ang ikinagulat ko ay ang mga damit na inirarampa ng mga modelo ay kita na ang kanilang dibdib. Hindi ko alam kung dahil puti at itim lamang ang microfilm kaya may kalinawang makikita ang parteng iyon ng dibdib noong mga modelong babae. Sa panahon ngayon, hindi ko maiisip na maglalathala ng ganoon ang Inquirer.
Nako kung si Mommy D ang nakakita noong fashion show na iyon baka ganito ang kaniyang sabihin. |
Nang matapos ko na ang lathala nung kaarawan ko, muli kong nirolyo ang microfilm. Inilagay sa istante. Saka ko kinuha iyong ipinakopya kong nobela.
Sa ilang araw kong paghahanap ng nobela para sa Fil11, hindi ko inakalang masisilip ko pala ang nakaraan. Tunay nga ang sabi ni Hartley sa umpisa ng kanyang nobelang "The Go Between",
The past is a foreign country: they do things differently there.(Kung isina-Filipino ko ba iyon e puwedeng hindi na sabihin yung pangalan at nobela ni Hartley? Hindi naman siya nagfi-Filipino diba? Kung sakali, hindi naman masasabing plagiarism iyon, Sinotto lang!)
Ngayon, nasaan na kaya yung nobelang ipapasa ko kay sir Samar?
-
Mga pinagmulan ng mga larawan:
http://thebestgifsforme.blogspot.com/2012/06/harry-potter-gifs.html
http://www.scan2archive.com.au/Product/microfilmreaders.htm
http://knowyourmeme.com/memes/amazed-face
http://knowyourmeme.com/photos/228384-reaction-faces
http://knowyourmeme.com/memes/obama-rage-face-not-bad
http://www.gifbin.com/985125
http://www.gleeforum.com/index.php/topic/20732-you-and-i-need-to-quit-glee-club/page__st__80
http://www.tumblr.com/tagged/mommy-dionisia-funny-gif
Hindi naglo-load ang unang larawan, pero dahil sa nilalaman at kalidad ng pagbabahagi ng karanasan sa pananaliksik kaya binibigyan kita ng isang markang pagtaas para rito. Pagbati!
ReplyDeleteSalamat po sa pagpuna sir. Maayos pa po iyon nung ginawa ko ito. Down na po kasi ngayon yung website na pinagkuhanan ko. Salamat po ulit sir! :)
ReplyDelete