Friday, September 28, 2012

introBerto

Ako si Roberto Gervacio pero introBerto ang itawag mo sa akin. Ayon kasi sa isang pagsusulit sa pag-iisip sa paaralan introvert daw ako. Mula noon introBerto na ang tawag ko sa sarili ko. Kakaiba kasi para sa akin ang dating, parang pang superhero. Kung hindi mo alam kung ano ang isang introvert, susubukan kong ihayag sa iyo kung ano ako, pero kung hindi pa rin malinaw sa iyo, i-Google mo na.

Ako si introBerto.

Estudyante ako sa isang kilalang pamantasan dito sa Pilipinas ngunit hindi ko sasabihin kung saan dahil introvert nga ako. Ayokong isiping tinitingnan ako ng mga tao. Dahil dito, hindi ko nagagawa lahat ng gusto ko dahil ayokong pag-isipan ako ng di maganda ng ibang tao. Kung maaari lamang sana akong maglaho ng kahit saglit at gawin ang mga gusto ko.

Nahihirapan din ako.

Mahirap sa pamantasang ito. Hindi madaling makakuha ng magagandang marka sa mga gawain. Halos lahat ng aralin ay akala yata ay major ko sila. Ayos lang sana kung isa o dalawang gawain lamang sa isang linggo, pero hindi. Sa halip, sa isang linggo mayroong mga mahabang pagsusulit, analysis paper, lab report, at pagkahahabang babasahin.

*Ding* *Ding* *Ding*

Kumakampana na sa simbahan, hudyat ng pagsapit ng alas dose. Alas dose na at hindi pa rin ako tapos sa mga kailangan kong gawin. Puyat na naman ako nito panigurado. 7:30 pa naman ang una kong klase bukas. Masuwerte na ako kung makakalimang oras pa ako ng tulog.

"Tototot! Juan o, juan. Point 9. Kailangan pa bang tandaan iyan?"

Muli na naman akong ginising ng alarm clock ko na radio. Medyo madilim pa. Ayaw pang lumabas ng araw sa likod ng mga ulap na tinataguan nito. Introvert din kaya ito kaya't nagdadalawang isip pa sa paglabas? Kalokohan ko na naman. Setyembre na nga pala, mas humahaba na ang mga gabi at dahil malapit nang matapos ang semestre, mas iiksi na naman ang mga tulog ko. Tinitigan ko muna ang kisame. Araw-araw itong nagbabantay sa akin. Saksi sa aking kaligayahan, kalungkutan, pagdurusa, pagpupuyat at kung minsan, kapilyuhan. Sino na lang ba ang magbabantay sa akin ngayong malayo ako sa mga magulang ko na nasa probinsya? Naaawa na kaya sa'kin itong kisame?

Ako? Naaawa na ako.

Bumangon ako matapos ng ilang minuto. Nagdalawang isip muna ako bago buksan ang pinto patungo sa koridor ng dormitoryo baka kasi kung sino na naman ang makasalubong ko. Kilala ko na rin ang mga mukha ng mga kapitbahay ko, ngunit ilang semestre na ang nagdaan, hindi ko pa rin sila nakakausap kahit saglit lamang. Introvert kasi. Naalala kong maaga pa at wala pa masyadong tao sa koridor kaya't hindi ko kailangang biglang pagmunihan ang sahig kapag may bigla akong nakasalubong. Lumabas ako at nagtungo sa paliguan.

Nothing burns like the cold. - George R.R. Martin

Masarap ipaligo ang mainit-init na tubig sa katawang nabalutan ng lamig noong gabi bago ito mapaliguan. Nagsabon ako. Nag-shampoo. Naghilamos. Nagbabanlaw na ako nang may bilang anak ng tupang naligo sa kabilang paliguan. Naabala tuloy ang linya ng mainit na tubig na kanina'y akin lamang. Nanaig tuloy ang malamig na tubig. Nanaig ang malamig na tubig. Malamig. Malamig. Malamig naman talaga lagi ang mga gabi ko. Introvert kasi.

Masarap habang mainit.

Matapos maligo agad din akong nagbihis. Bumalik ako sa kuwarto, kinuha ko ang aking mga gamit at saka bumiyahe patungo sa pamantasan. Maaga pa naman. Doon na lamang ako mag-aagahan. Nang may nabili na akong pagkain, naghanap ako ng mauupan. Hindi naman naging problema iyon dahil medyo maaga pa nga. Naupo ako sa mesang walang kumakain liban sa akin. Laging ganito ang pagkain ko, mag-isa sa agahan, tanghalian at pati na rin sa hapunan.

"You go first." "No, you go first."

Nang kumakain ako, may umupo sa kabilang bahagi ng mahabang mesang kinakainan ko. Ganito naman talaga ang siste sa kapiterya. Namukhaan ko yung umupo. Sa iisang dormitoryo lang kami nakatira, sa ibang palapag lamang ata siya, ngunit pamilyar siya akin. Iniisip ko kung mapapansin niya ba ako o ako ang kailangang unang pumansin sa kanya. Pero kahit na itanong ko pa iyon sa sarili ko, alam ko na ang sagot. Ang lagi kong gusto ay ang iba ang mauna. Hindi ako sanay na nauuna bumati o makipagusap kaya nga ata kakaunti ang kaibigan ko.

Just because you don't understand it doesn't mean it isn't so. - Lemony Snicket

Wala na naman akong maintindihan sa sinasabi ng propesor ko. Ganito ang takbo ng aking isipan kapag pumapasok ako na kulang na kulang sa tulog. Matapos ba naman akong magpuyat upang gawin ang limang pahinang sanaysay tungkol sa bagay na wala naman akong pakialam e talagang lutang ang isip ko. Masuwerte na kung may pumasok sa isip ko tungkol sa leksyon namin.

Forgive me, for I have sinned.

"Robert," nagising ako sa katinuan matapos akong tawagin bigla ng propesor ko, "what can you say about the color of the curtains in this scene in relation to the over-all mood of the novel?" Hindi ata napansing tulog ako. Anak ng tokwa, may kabuluhan yung kulay ng kurtina? Aba malay ko, hindi ko naman major ito. Bahala na nga. "Ma'am, the color of the curtains are supportive of the message of the novel." "Exactly! Good, Robert." Nalusutan ko na naman siya. "Good morning, Roberto!", ang sumalubong sa'kin matapos ang di ko namalayang pagtulog. "I bet you would like to join us in our discussion or would you rather watch us with your eyes closed?" Napahiya ako. Nahuli ang di ko sinasadyang pagtulog sa klase. Nakatingin sa akin ang buong klase. Saan pa nga ba sila titingin kung hindi sa akin na laging tulog?

Who do people say I am? - Mark 8:27

Mahiyain.
Tahimik.
Antukin.
Masungit.
Iyon ang sabi nila.
Iyon ang sabi nila.

Ako si Roberto Gervacio.

Oo, mahiyain ako.
     Hindi kasi ako sanay na makisalamuha sa iba. Hindi ako sanay mauna.
Oo, tahimik ako.
     Pero sa paligid ng mga kaibigan ko, ibang-iba ako.
Oo, antukin ako.
     Napupuyat kasi ako sa kagagawa ng para sa klase mo. Huwag sanang sasama ang loob mo kung maipikit ko ng saglit ang mga mata ko. Hindi lang kasi klase mo ang pinapasukan at pinaghihirapan ko.
Oo, baka masabi mo ngang masungit ako.
     Hindi ko kasi hilig batiin ang mga minsan kong nakasalamuha at higit na ising bes na rin akong di napansin nang minsan ako bumati. Sana'y pansinin mo ako sa bihirang pagkakataon na batiin kita.

Iyon ang sabi nila.
Iyon ang sabi nila.
Who do you say that I am? - Mark 8:29

Sunday, September 23, 2012

Wagas!

Wagas kasi yung mga marka ko sa mga pagsasanay sa Fil11 kaya pumunta ako roon sa talk sa Sawikaan 2012. Bukod pa roon, naririnig ko nga dati sa balita yung kumperensiya para sa salita ng taon kaya bakit ko sasayangin yung pagkakataon na makasama o makapanuod man lang lalo pa't dito gaganapin? Bago ako pumunta roon mayroon muna akong wagas na pahinga dahil isa lang yung klase ko noong umagang iyon. Sinadya ko talagang puntahan yung tungkol sa wagas dahil wagas ang paggamit ng salitang wagas nung huling taon ko ng hayskul kaya't wagas na alaala ng wagas na tuwa ang dinadala sa akin nito kapag naririnig ko ito. Naupo ako malapit sa may pintuan. Lalabas din kasi ako dahil may klase pa ako pagkatapos noong magsasalita tungkol sa wagas. Naupo ako, nilabas ko ang aking laptap at naghintay para sa wagas na pakikinig.

Hindi pa pala wagas yung pinaguusapan. "Pick up" pa lamang yung pinag-uusapan. Hindi pala istrikto sa oras yung iskedyul na una kong nakita. Pick up, uso rin yun noong hayskul ako. Gumawa nga ako ng mga sarili kong pick up dati e. Heto ang ilan:
- "Hyperinflation ka ba?" "Bakit?" "Nung makilala kasi kita, nagmahal ako bigla nang sobra-sobra."
- "Kung conic section ako, sana parabola ako." "Bakit?" "Gusto ko point ka roon pero hindi sa curve ko, gusto kasi ikaw lang ang nag-iisa kong focus."
-"Nakakainis ka para kang AutoCorrect sa Word." "Huh? Bakit?" "Binago mo kasi bigla bigla . . .ang buhay ko."
- "Taga-PCSO ka ba?" "Bakit?" "Ang galing mo kasing mambola." 
Wagas akong pumik-ap diba? Sabi naman sa kumperensiya lahat puwedeng pumik-ap e.

Matapos noon, palusot naman ang sumunod na salita. Nakatutuwa para sa akin pakinggan ang nagtatalumpati dahil hindi ako bago sa mga palusot. Marami na rin akong nasubukang palusot noong hayskul para sa aking mga pagkahuli sa klase. Teka, lumalayo na ata ako. Ayun, nung natapos yung palusot, wagas na ang pinag-usapan.

Ang wagas pala ay isang lumang salita at hindi bago gaya ng aking inakala. Kalimitan daw gamitin ito sa pag-ibig. Ang depenisyon daw nito ayon sa nagtalumpating si Mark Benedict Lim na sinipi ang UP Diksyonaryong Filipino ay: "dalisay" o "matapat at walang halong pag-iimbot o pagsasamantala." Totoo pala ang sinabi niyang malalim na salita ito kung ituring dati.

Kung ang wagas ay nangangahulugang dalisay, maaari bang tawagin itong dulang ito na Sintang Wagas? 
Nag-iba na raw ang gamit ng salitang "wagas" ngayon. Ginagamit na raw ito sa kakatuwang paraan gaya nga ng gamit namin noong hayskul ako dito para ilarawan yung mga malalakas at walang bukas kung tumawa, "Wagas nanaman ang tawa ni ____." Ginagamit na rin daw ito upang gamitin sa pagkamangha lalo na sa Facebook: "Wagas ang ganda sa prof pic!" Pero hindi umano ginagamit ang salitang ito sa mga galit na post. Masagwa nga naman iyon.

Mali pala ang paggamit ko ng wagas sa simula ng blog entry na ito kung pagbabasihan ang dating ibig sabihin ng wagas. Ang dating kadalisayan at katapatan ang ibig sabihin ay ngayo'y kahanay na ng: astig, lupet, wasak, at iba pang salitang balbal kung gamitin. Nahubaran na umano ng dating kahulugan ang mga salita upang mapanatili ang komunikatibong pokus nito.

Hindi na wagas ang wagas.
Iyan ang aking natutuhan matapos makinig sa kalahating oras na wagas na talumpati sa Sawikaan 2012.

Ano, wagas ba itong blog entry ko?

Pinagmulan ng larawan:
http://www.artpipe.net/2012/08/sintang-dalisay-extended.html

Saturday, September 15, 2012

Sawi sa Pag-ibig

Bigyan mo ako ng dahilan...

...para gumising,
kung puro sakit,
ang titiisin.

...para bumangon,
kung iyon at 'yon,
ang sasalubong.

...para huminga,
kung masakit na,
ang nadarama.

...para kumain,
kung wala lang din,
ibang titikim.

...para mabuhay,
kung ang buhay ay,
wala ng saysay.

...para magmahal,
kung walang alam,
ang inaasam.

---

Kahit di na mabilang ang mga sawi sa pag-ibig sa mundong ito, dumagdag pa rin itong si Kiko. Dumagdag siya sa mga sawi sa pag-ibig dahil matatapos na ang apat na taon niya sa hayskul e hindi niya pa rin masabi sa kanyang pinakamamahal na gusto niya ito. Parati niya kasing hinihintay ang "tamang pagkakataon." Ang problema tinutuktok na siya sa ulo ni Kupido ng pana nito sa napakaraming pagkakataon e ayaw pa rin niyang kumilos.

Ngunit hindi lang naman si Kiko ang dapat sisihin. Maaari ring batuhin ng sisi iyong si Pam. Dahil nung handang-handa na si Kiko na magtapat kay Pam e nakita niyang may kasama itong ibang lalaki, si Ramon, ang MVP sa basketbol sa kanilang paaralan. Nang makita niya ang dalawa, nadurog ang kanyang puso at naisip niyang mabuting ibigay na lang niya sa lamay sa may labas ng kanilang paaralan ang isang dosenang pulang rosas na para sana kay Pam. Matapos iwan ang mga rosas, naglakad na lamang siyang mag-isa patungo sa sakayan ng bus. Dati lagi niyang kasama si Pam kapag papauwi, ngunit hindi na ngayon dahil nga may iba na si Pam.

Ilang araw pa  ang lumipas at nabalitaan niya sa mga kamag-aral niyang tsismoso't tsimosa na lagi nga raw magkasama sina Pam at Ramon. Mula noon, mag-isa na lamang mananghalian, magmeryenda, at maglakad pauwi si Kiko. Wala naman siyang magawa dahil hindi niya rin naman talaga alam ang gagawin. Si Pam na sana ang pinakauna niyang liligawan pero wala.

Nakuntento na lamang siyang manuod mula sa malayo, mula sa balkon ng paaralan nila dahil doon tanaw na tanaw niya ang dalawa tuwing matatapos ang klase. Minsa'y napapaisip siya kung paano kaya kung umeksena siyang bigla. Paano kung biglang bastusin ni Ramon si Pam at susugod na lamang siya upang iligtas ang kanyang pinakamamahal? Pero hindi. Sa pelikula lang nangyayari ang ganoong bagay at alam niyang matinong babae si Pam. Pero dahil laging sa madilim na sulok nagkukuringgian ang dalawa, minabuti ni Kiko na maghulog ng maliit na pakete na binalutan niya ng papel at sinulatan ng mga salitang: "Proteksiyon, bago umaksiyon" sa laker ni Pam. Mahirap na, baka madengue si Pam kaya binigyan niya nga ng OPP losyon.

Iyon na ang huling ginawa niya para kay Pam. Kinalimutan / pilit na kinakalimutan na ni Kiko si Pam. Kasama na siya sa mga sawi sa pag-ibig sa mundong ito. Kasama na siya sa mga naghihintay ng "tamang pagkakataon" at sa kaniyang paghihintay, naisulat niya na lamang ang tula sa itaas. Sa totoo lang, marami na siyang naisulat na tula sa kahihintay, ngunit dahil sa kasawian niya kay Pam mukhang marami pa siyang tulang isusulat pa.

---
Ito ang nagawa ko matapos basahin ang "Hari Manawari" ni German Villanueva Gervacio. Nagandahan kasi ako e. Ang ganda nung love story.

Saturday, September 8, 2012

Di Sinasadyang Silip sa Nakaraan

Babala: Maraming GIF ang blog entry na ito kaya mabuting maghintay muna ng kaunti bago basahin.

-

Dahil sa pagnanais na magkaroon ng dagdag na puntos para sa mahabang pagsusulit sa Fil11, kasalukuyan akong lumilikom ng mga parte ng isang nobela dahil pagsasamasamahin namin ang mga ito bago ipasa sa aming propesor. Ilang araw din akong napadpad sa Filipiniana Collection ng Rizal Library. Dahil sa paghahanap nga ng nobela na ipapasa, ilang magasin ang aking binuksan. Ilan na rito ay ang Liwayway, Filipino Magazine, Mr. & Mrs. atbp. Ngunit, sadyang wala akong makita na wala pa sa listahan. Sa listahan na akala ko ay listahan ng mga pagpipilian ng mga gagawin. Mali pala. Listahan pala ang mga ito ng di na puwedeng gawin. Nasayang tuloy ang pagod ko sa paghahalungkat ng isang nobela, ngunit di bale. Ako naman ang may kasalanan.

Maihahalintulad dito ang reaksiyon ko nang malaman ko na hindi na pala puwede yung nobelang nahanap ko.
Sa paghahanap ko ng nobela, napadpad naman ako sa Microform Section ng nasabing aklatan. Mga ilang ulit din akong nagpabalikbalik dito kaya't ngayo'y namumukhaan na ako ng isang tauhan doon. Dito'y natuto akong gumamit ng Microfilm reader na talagang namangha ako dahil sa telebisyon ko lamang nakikita ang mga ganoon.
Ang larawan sa itaas ay malaki ang hawig  sa mga microfilm reader ng Rizal Library.

Larawan ng aking pagkamangha nang una akong gumamit ng microfilm reader.

Dahil dito rin sa microfilm reader kaya ako naliyo matapos maghanap ng nobela. Maaari ka, yung bawat pahina ng isang serye ng publikasyon e dumaraan sa mga mata mo ng mabilis dahil kung dadahan-dahanin ay marahil abutin ka ng siyam-siyam. Matapos maghanap sa humigit kumulang na apat na rolyo ng microfilm, e nakahanap na rin ako ng maaaring ipasa sa aking propesor.

Sa aking pagbuklat ng mga publikasyon mula sa Filipiniana at pagtingin ng mga microfilm sa Microform section, hindi lamang nobela (o mga nobela) ang aking nahanap. Sa bawat tomo ng publikasyong aking binubuksan, nakita ko ang unti-unting pagbabago sa paraan ng paglathala ng mga ito. Halimbawa'y sa Liwayway magasin, iyong mga luma-luma magkakasunod ang paglathala ng mga nobela. Halimbawa, ang labas ng isang kabanata ng nobela ay sa pahina 20-25. Noon namang bandang 2000's, tumatalon ang mga pahina nito. Parang pahina 29-30, pagkatapos ay isusunod sa pahina 17 ang nobela. Pati rin pala mga talaan ng nilalaman nila ay nagbabago rin. May mga panahong inilalagay kung pang-ilang labas na ng isang nobela (Hal. "Sixty in the City (12)") ngunit mayroon din namang walang ganoong tanda kaya't malilito ka talaga sa kahahanap.


Kung papansinin ang mga advertisement sa mga medyo lumang magasin, marami rito ay mula sa mga kumpanyang mula pa sa Kanluran. Hindi pa ata uso ang Bench at Penshoppe noonMarami rin sa mga kumpanyang naroon ay hindi na madalas nakikita ngayon sa merkado. Bukod sa mga nilalaman ng ads, ang lengguwahe na malimit na gamitin sa mga ito ay Ingles. Siguro dahil kakatapos lang ng panahon ng mga Amerikano nang ilathala ang mga nabasa kong magasin.


Nang muli kong balikan ang ipapasa sa butihing ginoo, inilista ko ang mga pahina na aking ipakokopya. Ibinigay ko ang rolyo ng microfilm sa tauhan doon at naupo. Nakita kong mayroon pa lang mga lumang kopya ng Philippine Daily Inquirer doon. Dala ng kuryusidad, hinanap ko ang rolyo na mayroong lathala ng nasabing diyaryo nung araw ng aking kapanganakan. Nahanap ko ito at iniligay sa reader. Matapos ang mahabahabang pagpapaikot (nga pala, mano-mano ang reader kaya't kailangang paikutin ng paikutin ang isang hawakan para mailipat ang mga pahina), nahanap ko rin ang lathala nung araw ng aking kapanganakan. Napangiti ako dahil kahit papaano'y nagka-ideya ako sa panahon kung kailan ako ipinanganak.
Habang tinitingan ko ang diyaryo na inilabas nung araw na ako'y inilibas din.
Nang marating ko ang pahina ng mga opinyon, napangiti ako dahil akalain mong may lathala pala si Prof. Ambeth Ocampo nung araw na ipinanganak ako! Siya nga pala ang paborito kong historian ng kasaysayang Pilipino. (Oo nga pala, hindi ko pa nabibili yung bago niyang libro.)

Sa Business Section naman, hindi ko akalaing ang palitan ng piso sa dolyar noon ay dalawapu't anim na piso at di ako sigurado kung ilang sentimo sa isang dolyar, o P26.xx :$1. Malayo ito sa P4x.xx:$1 ngayon.


Nang aking tingnan muli ang mga ads, nakita ko ang malaking ad ng Makro. Nung opening pala nung sangay nila sa Imus, Cavite (kung saan ilang ulit na akong nakapunta), aba'y Prime Minister pala ng The Netherlands ang naggupit ng ribbon! Kaya lang mukhang hindi na babalik si Prime Minister sa Makro (yun e kung bukas pa nga ito), natalbugan na ata ng SM ang Makro.

Sa paglipat ko naman sa Lifestyle section, ganito ang aking reaksiyon:



Nasundan naman iyon ng ganitong reaksiyon:



Hinding hindi mo makikita ang mga ganoong lathala ngayon sa telebisyon o diyaryo. (Maliban na lamang siguro kung sa tabloid at kung may artistang nagkaroon ng wardrobe malfunction.) Ang mga larawan ay mga larawang galing sa isang fashion show. Ang ikinagulat ko ay ang mga damit na inirarampa ng mga modelo ay kita na ang kanilang dibdib. Hindi ko alam kung dahil puti at itim lamang ang microfilm kaya may kalinawang makikita ang parteng iyon ng dibdib noong mga modelong babae. Sa panahon ngayon, hindi ko maiisip na maglalathala ng ganoon ang Inquirer. 

Nako kung si Mommy D ang nakakita noong fashion show na iyon baka ganito ang kaniyang sabihin.

Nang matapos ko na ang lathala nung kaarawan ko, muli kong nirolyo ang microfilm. Inilagay sa istante. Saka ko kinuha iyong ipinakopya kong nobela.

Sa ilang araw kong paghahanap ng nobela para sa Fil11, hindi ko inakalang masisilip ko pala ang nakaraan. Tunay nga ang sabi ni Hartley sa umpisa ng kanyang nobelang "The Go Between",
The past is a foreign country: they do things differently there.
(Kung isina-Filipino ko ba iyon e puwedeng hindi na sabihin yung pangalan at nobela ni Hartley? Hindi naman siya nagfi-Filipino diba? Kung sakali, hindi naman masasabing plagiarism iyon, Sinotto lang!)

Ngayon, nasaan na kaya yung nobelang ipapasa ko kay sir Samar?

-

Friday, August 31, 2012

Mga Puno

May ilang araw na mula nang lumabas ang mga advisory grades. Mayroon akong mga mabababang marka akong nakuha, isa na rito ang sa Filipino. Ang iba nama'y masasabing maganda na ang nakuha ko, kahit di napakataas.
Hindi man gaano kataasan ang mga nakuha kong advisory grades at hindi man ito malaking parte ng QPI, ganito pa rin ang naging reaksyon ko nang nakita ko ang mga ito.

May dalawa kaming dapat basahing nobela para sa Fil 11. Ang isa rito ay ang "Himagsik ng Mga Puno" ni Khavn De La Cruz. Ito iyon:

Nang mabasa ko ang pamagat, naitanong ko sa aking sarili kung paano kaya maghimagsik ang mga puno sa nobelang ito?

Mala-"Last March of the Ents" kaya ito ng Lord of the Rings: The Two Towers?

O di kaya'y mala-"Battle of Beruna" ng The Chronicles of Narnia: Prince Caspian?



Pero hindi na siguro maaaring ganito na lang lagi ang mga puno. Iba na siguro ang papel ng mga puno ("No pun intended", 'ika nga.) sa nobelang ito. Dahil kung hindi, eh hindi magiging maganda ang aklat na ito dahil sa sining, hindi na nagiging maganda ang isang bagay na nagamit na. Mayroon mang nakapag-uulit ng istilo at maganda pa rin ang kinalalabasan, iba pa rin siyempre ang ganda ng mga orihinal na likha. (O ha! May natutuhan ata ako!)

Sa totoo lang, ganito kasi iyong nangyari sa "Himagsik ng Mga Puno." 
Gusto mo bang malaman kung paano naghimagsik ang mga puno?

Huminahon. Sasabihin ko na. Di makaantay?
Ganito kasi iyon.
.
.
.
.
.
.
.
.
Sa totoo lang, hindi ko pa siya nababasa kahit may katagalan na itong naibigay sa amin.

Ganito marahil ang reaksiyon ng aking guro kapag nalaman niya ito.

Ngunit dahil nagising ako sa katinuan dahil sa advisory grades, naisipan kong gumawa ng blog entry. 
Dahil din pala sa pag-uusig ni Mayor Lim. Opo, Mayor. Magsisipag na po.
Dahil maraming puno sa Ateneo at dahil hindi ko pa nga nababasa ang aklat sa itaas, ay naisipan kong magsulat na lang muna ng tula tungkol sa mga puno.

At ito iyon:

'Puno'

Thursday, July 26, 2012

Ang Pamagat

"Ano nga ba ulit ang pamagat ng gawa mo iho?",

tanong ng aking guro. Nagustuhan niya ang aking tula - gaya ng pagkagusto niya sa mga maiikling kuwento na gawa ko. A, ang nakuha kong marka sa ginawa kong tula. May kasama na ang B+ kong papel sa English na isang maling bantas lang ang nagpababa ng marka. Lumabas na ang aming guro sa Filipino matapos ipamigay ang aming mga ginawang tula na magsisilbing mahabang pagsusulit namin.

Siyensya na ang susunod naming aralin. Nang matapos naming batiin ang guro at manalangin, ipinamigay na rin ng guro ang aming long test na namarkahan na. C+, ang markang nakuha ko. Maganda na iyon, ang sabi ko sa sarili ko. Mas mabuti na iyon kaysa sa mga nakukuha kong marka dati. Umakyat na rin sa C ang marka ng long test ko sa mathematics. Matutuwa na siguro rito ang Papa.

"Wala akong pakialam kung ano pa ang pamagat niyan!",

ang galit na wika ng Papa nang tanungin ko kung ano ang angkop na pamagat para sa tula ko. Nagalit siya nang malaman na mas mataas pa ang mga markang nakukuha ko sa mga pagsusulit sa Filipino at Ingles kaysa sa Siyensya at Mathematika. Wala raw akong mararating kung pagtutuunan ko ng pansin ang sining. Barya lang daw ang kikitain ko roon.

"Kakalimutan ko na lang ang pamagat",

ang sabi ko sa sarili ko habang pinupulot ang mga pagsusulit ko na inihagis ni Papa noong papalabas siya ng kanyang aralan. Bahala raw ako sa buhay ko. Ang gusto niya kasi ay tularan ko siya at ang mga nasa likod ng kanyang lamesa. Naroon ang eskaparateng puno ng mga larawan at plake ng pagkilala sa mga miyembro ng aming pamilya na kung hindi doktor ay tagapamahala ng aming mga ospital.

Nang mapulot ko ang mga pagsusulit, bumalik na lang ako sa aking silid. Naghilamos bago nagbihis ng pambahay. Nahiga ako sa aking kama, pumikit, at inalala ang mga papuring natatanggap ko mula sa aking mga guro at mga kamag-aral tuwing nababasa nila ang mga gawa ko. Sana mapuri rin ako ng Papa ng ganoon balang araw. 'Di bale na. Binuksan ko ang aking aklat sa Siyensya at nilunod ang aking sarili sa pag-aaral.

"Ang ganda,'Tay! Ano po ang pamagat nito?",

ang inosenteng tanong ng aking panganay nang napulot niya mula sa isang lumang kahon ang bayuot na papel na madilaw na - malayong malayo sa dating puti nito. Kagagaling ko lamang sa trabaho nang magpasama siya sa bodega upang hanapin ang mga gamit niya para sa proyekto niya sa paaralan. Ipinunas ko ang aking mga kamay sa aking lab coat upang matanggal ang alikabok bago ko kinuha ang papel mula sa kanya. Binasa ko ito. Umiling ako at sinabing, "Ay ewan ko ba. Nalimutan ko na ang pamagat."

Sunday, July 8, 2012

177. 1 linggo, 7 araw, 7 tula.

1.
Salita'y nagkukulang
Isipa'y nabubuang
Lenggwahe'y kakaiba
Sa galing Amerika


2.
Kung ika'y 'di atleta
Saan ka na pupunta?
Ah, sa papel at pluma
Doo'y may pagasa ka.

3.
Pu*ang ina ang tawag
sa munting naduduwag.
Kawawa kung husgahan
"Ngiyaw" lang ang panlaban.

4.
Aba, ginoong Mario!
Hininto ang trapiko.
Tsuper sinita. Kaya
bulsa'y puno nang grasya.

5.
Pangungulila'y lubos
Luha'y 'di na naagos
Sa lungkot na nasanay
O, kay dilim sa hukay!

6.
Puso'y naghahagilap
ng katambal sa sarap.
Isip ay naghahanap
ng kapares sa hirap.

7.
Buhat ng kapaguran
doon sa kalaliman,
babangon din siyang muli.
sa lupa siya babawi!

-

Ipinakilala sa amin ang tula sa klase. Malimit magbasa ng tula ang aming propesor sa Filipino bilang unang gawain sa klase. Nagugustuhan ko ang mga tulang kaniyang binabasa. Aking naisipang subukang gumawa ng sarili kong mga tula.

Dati naman akong nagsusulat ng mga tula, ngunit sa wikang Inggles ko isinusulat ang mga ito. Ito ang aking unang pagkakataon na gumawa ng tula na tinatawag na tanaga. Ang mga tanaga sa itaas ay hindi magkarugtong. Ang paksa ng mga ito ay mga naramdaman ko nitong linggo. Ipagpaumanhin kung hindi matipuhan sapagkat ako'y baguhan sa tanaga at pagtula sa Filipino.

Sa uulitin!